2,000 pulis mula sa NCRPO, ipadadala sa Batangas at Cavite – PNP
Magpapadala pa ang Philippine National Police (PNP) ng karagdagang 2,000 pulis mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Batangas at Cavite.
Ito ay bilang augmentation force sa Region 4-A na naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac na nakikipag-ugnayan na ang NCRPO sa Region 4A.
Maaring aniyang Martes ng gabi o Miyerkules ng umaga idi-deploy ang 2,000 karagdagang pulis.
Ayon kay Banac, mayroon pang hiwalay na 2,000 pulis ang naka-stand by sa Camp Crame sa Quezon City at nakahandang ipadala sa Batangas at Cavite kung kinakailangan pa ng dagdag pwersa.
Paliwanag ni Banac, kinakailangang matiyak na magiging maayos ang pagsasagawa ng relief operations sa mga evacuee.
Pinakakalma rin ni Banac ang mga nag-aalalang residente na gwardyado ang mga iniwang tahanan.
May mga pulis aniyang nakaposte sa iba’t ibang barangay.
Sa ngayon, wala namang naitatala ang PNP na kaso ng looting o pagnanakaw.
Magpapatupad na rin aniya ang PNP ng road closure para hindi na muna makiabalik ang mga evacuee sa kani-kanilang tahanan dahil masyadong mapanganib pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.