Ayon kay Chairman Winston Ginez, wala pang inilalabas na panuntunan ang Department of Transportation and Communication (DOTC) kaugnay sa operasyon ng mga katulad na paraan ng transportasyon.
Batay kasi sa utos na inilabas ng DOTC, wala silang ibinibigay na pahintulot sa GrabBike ng MyTaxi.ph para magpatuloy sa kanilang operasyon gamit ang internet-based platform.
Dahil dito, wala nang ibang pagpipilian pa ang LTFRB kundi pahintuin na ang operasyon ng GrabBike, kung saan ang pasahero ay umaangkas lang sa motorsiklo para sa mas mabilis na byahe.
Ani Ginez, bahagi ng kanilang misyon ay tiyakin ang kaligtasan ng publiko, at hindi nila maaring hayaan ang ganitong uri ng transportasyon gamit ang motorsiklo o bisikleta hangga’t wala silang inilalabas na mga panuntunan at regulasyon.
Naglabas na ng cease-and-desist order para sa MyTaxi.ph hinggil sa pagpapatigil ng operasyon ng GrabBike, at pinagpapaliwanag na rin sila kung bakit sila nagpatuloy kahit wala silang otorisasyong nakuha mula sa pamahalaan.
Babala ni Ginez sa kumpanya na maari nilang kanselahin ang kanilang accreditation kung hindi pa rin sila susunod.