Low level activity ang naitala sa Bulkang Taal sa Lunes, Jan. 13 – Phivolcs

Kuha ni Fritz Sales

Low level activity lamang ang naitala ng Phivolcs sa Bulkang Taal, araw ng Lunes.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Antonia Bornas, head ng Phivolcs Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division na hindi kagaya noong araw ng Linggo, January 12, na umabot sa 15 kilometro ang eruption column samantalang sa January 13 ay umabot na lamang sa dalawang kilometro.

Ayon kay Bornas, mas mababa ang antas ng aktibidad ng Taal at may mahinang lava fountain at maliliit na explosion dahil sa interaction o pagsasanib puwersa ng tubig at magma sa ilalim ng bulkan.

Pero ayon kay Bornas, bagamat mababa ang naging aktibidad ng bulkan, hindi ito nangangahulugan na hindi na maaring magbuga ng mas malakas na pagsabog sa mga susunod na araw kung kaya dapat na manatiling alerto ang publiko.

Sa ngayon, sinabi ni Bornas na nakapagtala na ang Phivolcs ng 144 na lindol kung saan umabot sa 4.1 magnitude ang pinakamalakas na lindol at intensity 5.

Nakataas pa rin aniya sa Alert Level 4 ang Bulkang Taal.

Read more...