Operasyon ng NAIA hindi pa rin naibabalik

Hindi naibalik ang operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong alas 8:00 ng umaga.

Unang tinarget ng Manila International Airport Authority (MIAA) at ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na mabuksan na ang paliparan alas 8:00 ng umaga matapos suspendihin ang lahat ng parating at paalis na flights simula kagabi dahil sa ashfall mula sa Bulkang Taal.

Ayon sa pahayag ng MIAA, ang pagbabalik ng flight operations sa NAIA ay depende sa ash clouds sa palibot ng paliparan at ashfall sa runways at taxiways.

Papayagan umano ang mga eroplano na lumapag at mag-take off sa sandaling luminaw na ang airspace at malinis na ang runways sa volcanic debris.

Ayon sa MIAA, kapag huminto na ang pagbagsak ng abo ay kailangan pang alisin ang ashfall sa runways at taxiways bago makapag-resume ang mga biyahe ng eroplano.

Pinayuhan ng MIAA ang mga pasahero na huwag nang magtungo sa NAIA terminals maliban na lamang kung may tiyak na silang bagong flight schedules mula sa airline companies.

Read more...