Napeñas, idiniin sa palpak na operasyon sa Mamasapano

By Den Macaranas January 27, 2016 - 04:31 PM

Napenas
AFP photo

Idiniin ng ilang dati at kasalukuyang opisyal ng militar si Ret. Gen. Getulio Napeñas na siyang may mabigat na pananagutan sa pagkamatay ng mga tauhan ng Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao noong nakaraang taon.

Sa kanilang ipinakitang power point presentation sa pagdinig ng Senado, ipinakita ang ilang diumano’y pagkakamali sa panig ni Napeñas.

Sinabi rin ni Sen. TG Guingona na mali ang mga impormasyon na ipinarating sa pangulo kaya hindi kaagad naka-tugon ang Chief Executive.

Partikular na tinukoy ni Guingona ang sinasabing bilang ng mga sugatan sa operasyon samantalang hindi binigyan ng update ni Napeñas ang pangulo o kaya’y si dating PNP Chief Alan Purisima sa aktuwal na bilang ng casualties.

Ipinakita rin sa presentasyon ng Armed Forces of the Philippines na hindi naka-uniform si Napeñas noong mga panahong ipinapatupad ang Oplan Exodus sa Mamasapano Maguindanao para hulihin si Zulkifli bin Hir alyas Marwan.

Isang larawan din ang ipinakita sa PowerPoint presentation kung saan sinasabing kuha ito pasado alas-Kwatro ng hapon noong January 25 2015 kung saan ay makikitang nakangiti si Napeñas.

Palatandaan umano ang nasabing larawan na maging ang dating pinuno ng SAF ay walang ideya sa sinapit ng kanyang mga tauhan sa Mamasapano Maguindanao noong mga panahong iyun.

Sinabi ni dating AFP Chief-of-Staff Pio Catapang na kaagad sanang nakapag-bigay ng suporta ang militar kung tama ang mga impormasyon na ibinigay ni Napeñas.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Napeñas na pinaghandaan nila ang nasabing covert operation ngunit nang malagay sa alanganin ang kanyang mga tauhan ay wala silang nakuhang mabilis na reinforcement mula sa mga tauhan ng militar sa lugar.

Inamin naman ni Napeñas na wala siyang natanggap na stand down order mula sa pangulo o kaya ay sa pamunuan ng PNP habang nagaganap ang bakbakan.

TAGS: AFP, mamasapano, Napenas, PNP, SAF, SAF44, AFP, mamasapano, Napenas, PNP, SAF, SAF44

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.