Aabot na sa higit 52 volcanic quakes ang yumanig sa Taal Region mula kahapon hanggang kaninang alas-12:49 ng madaling-araw ayon sa Phivolcs.
Dalawampu’t anim sa mga lindol na ito ay naramdaman at may lakas na Intensity II hanggang V sa Tagaytay City; Cabuyao, Laguna; Talisay, Alitagtag, Lemery at Bauan, Batangas.
Hindi pa kasama sa naturang bilang ang 17 lindol na naitala mula 1:07 hanggang 4:04 ng madaling araw at may lakas na magnitude 2.3 hanggang 4.1.
Ang seismic activity na ito ay senyales umano nang nagpapatuloy na magma intrusion sa bulkan na posibleng magdulot ng eruptive activity.
Patuloy na ipinananawagan ng Phivolcs ang total evacuation sa Volcano Island at high-risk areas sa loob ng 14-kilometer radius mula sa main crater ng Taal.
Sa mga lugar na nasa Hilaga, lahat ay pinag-iingat sa epekto nang malala at matagal na ashfall.
Pinayuhan din ng Phivolcs ang civil aviation authorities na iwasang lumipad sa paligid ng Taal Volcano dahil ang airborne ash at ballistic fragments ay delikado sa mga sasakyang panghimpapawid.
Tiniyak ng Phivolcs sa publiko na patuloy nilang babantayan ang pagsabog ng bulkan at magbibigay sila ng updates.