$5Million na patong sa ulo ni Marwan intact pa rin ayon sa PNP

marwan-blur
Inquirer file photo

Ipinaliwanag ng pamunuan ng Philippine National Police na hanggang ngayon ay hindi pa nakukuha ang $5Million o katumbas ng P230Million na reward kaugnay sa pagkakapatay sa teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan.

Ang nasabing halaga ay nauna na ring inanunsyo ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa kanilang website.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa Mamasapano incident, sinabi ni PNP Chief Ricardo Marquez na mapupunta ang nasabing pera sa informant na nagturo ng kinaroroonan ng nasabing international terrorist.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakukuha ang reward na galing sa national government na nagkakahalaga ng P7Million na inilaan para rin sa ikadarakip ni Marwan.

Nauna dito ay lumabas ang mga reports na dalawang tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang sinasabing nasa likod ng pagtunton at pagpatay sa terorista.

Sinabi rin ni Marquez na umaabot na sa kabuuang P102Million na halaga ng cash at mga benepisyo ang naipamigay sa mga naulila ng mga tauhan ng Special Action Force members na napaslang sa pagpapatupad ng Oplan Exodus sa Mamasapano Maguindanao.

Ang nasabing halaga ay galing sa Philippine National Police, National Police Commission, President’s Social Fund, Senado, Kamara at ilang mga Local Government Units (LGUs).

Read more...