Binabantayang LPA, pumasok na ng bansa – PAGASA

Photo grab from DOST PAGASA’s website

Pumasok na ang binabantayang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Sa weather update ng PAGASA bandang 4:00 ng hapon, sinabi ni PAGASA weather specialist Ariel Rojas na huli itong namataan sa layong 745 kilometers Silangang bahagi ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Aniya, nasa karagatan pa ang LPA kung kayat wala pa itong direktang epekto sa anumang parte ng bansa.

Sinabi pa ni Rojas na mababa pa rin ang tsansa na lumakas ang LPA at maging bagyo.

Hindi rin aniya inaasahang tatama ang LPA sa bansa.

Ngunit sa paglapit nito sa bansa, asahan pa ring magdudulot ito ng pag-ulan sa Silangang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Gayunman, mananatili naman aniya ito sa gitna ng Philippine Sea bago tuluyang malusaw.

Samantala, patuloy pa ring nakakaapekto ang northeast monsoon o amihan sa buong Luzon.

Dahil dito, ani Rojas, makararanas ng makulimlim na papawirin na may mahihinang pag-ulan ang bahagi ng Cordillera, Cagayn Valley, Aurora at Quezon.

Magiging maaliwalas naman ang panahon sa nalalabing parte ng bansa kabilang ang Metro Manila.

Read more...