SITG Mendoza binuo sa kaso ng pagpatay at pagsunog kay dating Batangas Cong. Edgar Mendoza at 2 iba pa
Bumuo na ng Special Investigation Task Group para hawakan ang imbestigasyon sa kaso ng pagpatay at pagsunog sa katawan ni dating Batangas Congressman Edgar Mendoza at dalawa niyang kasama.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Quezon Provincial Police Office Director Col. Audie Madriedeo, pamumunuan ang SITG Mendoza ng deputy regional director for operations ng Calabarzon.
Katuwang din sa imbestigasyon ang Quezon Police Provincial Office, Chief of Police ng Tiaong, Quezon, CIDG, HPG at Crime Laboratory.
Sa ngayon hindi pa tukoy ng mga otoridad ang motibo sa pagpaslang kay Mendoza at dalawang iba pa.
Maliban kasi sa pagiging practicing lawyer ay matagal nang wala sa pulitika si Mendoza.
Ayon kay Madrideo, hindi pa rin isangdaang porsyentong tiyak na ang mga sunog na bangkay ay kay Mendoza, sa driver niyang si Ruel Ruiz at bodyguard na si nicanor Mendoza.
Pero tiyak ng pamilya ng mga biktima na ang tatlo ang nawawala nilang mga mahal sa buhay.
May mga dokumento ring narecover sa crime scene na kinumpirmang pag-aari ng tatlo.
Ipinasailalim naman na sa DNA test ang tatlong bangkay at hinihintay na lamang ang resulta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.