Hindi lamang sa Metro Manila malaki ang debosyon sa Poong Itim na Nazareno.
Lumahok sa Traslacion ng poon ang 250,000 deboto sa Cagayan de Oro City kahapon, January 9.
Galing ang mga deboto sa iba’t ibang lugar sa Northern Mindanao at Zamboanga Peninsula.
Ang imahen ng Itim na Nazareno ay dinala sa St. Augustine Metropolitan Cathedral noong Miyerkules para sa vigil at sinimulan ang Traslacion patungong Archdiocesan Shrine of the Black Nazarene alas-5:00 ng umaga.
Ang imahen ng Nazareno sa CDO ay galing mismo sa Minor Basilica of the Black Nazarene sa Quiapo, Maynila na ibinigay taoong 2009.
Ayon sa Cagayan de Oro City police, mapayapa sa pangkalahatan ang naging Traslacion.
Sinabi ni Cagayan de Oro police spokesperson Maj. Evan Viñas na walang naulat na kahit petty crimes.
Mayroon naman anyang dalawang taong may kondisyong medikal ang nahimatay sa kasagsagan ng prusisyon.
Higit 1,000 pulis kabilang ang mga sundalo ang ipinakalat sa CDO para sa Traslacion para tiyakin ang seguridad.
Inalis din ng National Telecommunications Commission ang signal ng cellphones sa kasagsagan ng prusisyon.