Ayon sa viral post ni Veneracion sa Facebook, naganap ang insidente nang kinukuhaan niya ng video ang girian sa pagitan ng mga pulis at isang deboto sa bahagi ng Ayala Bridge.
Sa video makikita ang pagbalya sa deboto habang sinusubukang posasan hanggang sa mahiga na ito sa semento.
Pero hindi nakuhaan nang buo ang pangyayari nang isang police ang humablot sa cellphone ni Veneracion.
Ayon sa reporter, isang police officer pa ang humarang sa kanya para lapitan ang pulis na kumuha sa kanyang cellphone ngunit isa anya ang malinaw, may ‘star’ ito sa kanyang uniporme.
Ilang sandali pa ay itinuro ng mga photojournalists na nagcocover din ng Traslacion ang police official na kumuha ng cellphone ni Veneracion.
Laking gulat ni Veneracion na si Bathan ang kumuha ng kanyang cellphone.
Nang lapitan ito at tanungin kung bakit kinuha ang kanyang cellphone, nagpupuyos pa rin umano ito sa galit at nagbanta pang kukunin ang kanyang radyo.
Lumapit ulit si Veneracion kay Bathan nang humupa na ang emosyon nito.
Humingi si Bathan ng paumanhin at iginiit na hindi niya nakilala si Veneracion at ibinalik na ang cellphone nito.
Pero laking gulat ng reporter na nabura ang video ng komosyon.
Nagtanong si Veneracion kung bakit nabura ang footage ngunit pinabulaanan ng police general na siya ang nagbura ng video at sinabi pang saksi rito ang Itim na Nazareno.
Pero, hindi pala tuluyang nabura ang video ay dahil may ‘recently deleted’ album ang cellphone ni Veneracion kaya’t narekober ang video.
Sa dulo ng video footage, isang boses ng lalaki ang maririnig na nag-uutos na burahin ang kuha ni Veneracion.