Labis na nadismaya ang EcoWaste Coalition dahil sa tone-toneladang basura na iniwan ng libu-libong deboto na nakibahagi sa Traslacion.
Sa inilabas na pahayag ng grupo, pinansin ang samu’t saring basura sa pagdaan ng prusisyon ng Poong Itim na Nazareno, kasama na ang naiwan sa Quirino Grandstand.
Anila, may mga basurahan na nag-umapaw sa mga basura, gayundin mga plastic bag na naglalaman ng mga tirang pagkain, single use plastics, mga tulugan, mga bote na puno ng ihi, maging mga diapers.
Puna pa ng EcoWaste, binalewala ng mga deboto ang mga paalala ukol sa tamang pagtatapon ng mga basura at pagpapanatili ng kalinisan sa Luneta Park.
Taon-taon ay nananawagan ang grupo sa mga deboto sa tamang pagtatapon at pagliligpit ng kanilang mga basura ngunit mistulang hindi pa rin sila pinapansin ng mga deboto.
Samantala, ang lokal na pamahalaan ng Maynila at ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay nag-anunsiyo na hindi bababa sa 20 garbage trucks ng basura ang naiwan ng mga deboto.