Sa kanyang homilya sa vigil mass sa Quirino Grandstand para sa Traslacion 2020, hinimok ng Cardinal ang mga deboto na ipanalangin ang kaligtasan ng mga mamamayan sa Gitnang Silangan.
Ipinagdasal na humupa ang pagnanais na sirain ang kapwa at hindi mauwi sa giyera ang kaguluhan.
“Sa atin pong pagtitipon na puno ng pananalangin, pasasalamat, atin pong alalahanin na sa ilang bahagi ng ating mundo ay nag-aamba ang panganib ng karahasan at hari nawa ay huwag mauwi sa giyera, digmaan. Ipanalangin po natin na maging ligtas ang ating mga kapwa sa Middle East. Humupa ang mga pagnanais na sirain ang kapwa,” ani Tagle.
Ipinasasama rin sa intensyon ang mga Filipino sa Middle East at ang kanilang mga pamilya rito sa bansa na nangangamba sa sitwasyon.
“Humupa ang mga hangarin na maghiganti at ipanalangin natin ang ating mga kapwa Filipino, ang kanilang mga pamilya rito na nangangamba,” dagdag nito.