Cardinal Tagle: ‘Ang tunay na deboto ni Hesus, daan ng buhay, daan ng pagliligtas’
Daan-daang katao ang dumalo sa vigil mass sa Quirino Grandstand para sa Traslacion 2020, alas-12:00 ng hatinggabi ng Huwebes.
Ang misa ay pinangunahan ni Msgr. Hernando Coronel, Rektor at Kura-Paroko ng Quiapo Church habang ang nagbigay ng Homilya ay si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Sa kanyang Homilya, pinagnilayan ng Cardinal ang tema ng Traslacion ngayong taon na: “Iba-t ibang Kaloob, Iisang Debosyon, tungo sa Iisang Misyon” hango sa Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga Efeso, 4:11-13.
Ayon kay Tagle, dapat tularan ng mga deboto ang debosyon ni Hesus sa Diyos at sa kapwa nang hubarin nito ang Kanyang pagka-Diyos at karangalan para makapiling ang sangkatauhan.
“Mga kapatid, debosyon. At iisa ang debosyon, debosyon na ipinakita ni Hesus. Debosyon sa Diyos, debosyon sa kapwa. ‘At kahit hindi ako inaasahan ng obligasyon, kapag ako’y devoted, gagawin ko kahit hubarin ang karangalan at susunod dahil ang Ama ko ang nagsabi’,” ayon sa Cardinal.
Pumarito rin anya si Hesus dahil sa dakilang pag-ibig ng Ama at isinugo nito ang Kanyang Anak para sa isang misyon – misyon na iligtas ang sanlibutan.
Ayon sa Cardinal, hindi dapat maging daan ng kapahamakan at kasiraan ng kapwa ang mga tunay na deboto ni Hesus.
“Sa pagtulad natin sa debosyon ni Hesus, wagas na pag-ibig, ‘yan din ang ating misyon. Hindi tayo dapat maging daan ng kapahamakan, kasiraan ng kapwa. Ang tunay na deboto ni Hesus daan ng buhay, daan ng pagliligtas. Sa atin dapat nagsisimula ang tagumpay ng pag-ibig,” ayon sa Cardinal.
Hinimok din ni Cardinal Tagle ang mga deboto na gamitin ang kanilang mga kaloob sa pagtulong sa kapwa sa parehong paraan na ginamit ni Hesus ang kanyang mga kaloob.
Dapat ay ginagamit anya ang mga kaloob ng Diyos sa debosyon at misyon.
“Iba’t iba ang ating kaloob, lahat ‘yan ay kaloob din kay Hesus — at kay Hesus nakikita ang mga kaloob kapag may debosyon ay daan para sa misyon. Ito po ang ating panalangin para sa ating lahat. Mga deboto, ang debosyon umuuwi sa misyon. At walang makapagsasabing ‘hindi ko kaya ang misyon’. Hanapin mo ang kaloob na natanggap mo. Ang kaloob na ‘yan, palalimin mo sa pag-ibig at sa pamamagitan niyan, magtagumpay nawa ang Diyos sa iyong paglilingkod,” giit ng Cardinal.
Pinangunahan din ni Tagle ang panalangin para sa kapayapaan sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Samantala, kasama rin sa mga dumalo sa misa sina Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias, Alutao-Sideia Papua New Guinea Bishop Rolly Santos at Lingayen-Dagupan Auxiliary Bishop Fidelis Layog.
Naganap ang vigil mass sa Quirino Grandstand ilang oras bago magsimula ang Traslacion ganap na alas-5:30 ng umaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.