DOH iniulat ang zero casualty sa pagsalubong sa 2020

Ipinagmalaki ng Department of Health (DOH) na walang nasawi dahil sa paputok sa pagsalubong sa taong 2020.

Ito ang inihayag ng DOH kasabay ng pagtatapos ng kanilang Fireworks-Related Injury (FWRI) Surveillance mula Disyembre 21 ng 2019 hanggang Enero 6 ng 2020.

Batay sa FWRI Surveillance report ng DOH, kabuuang 413 kaso ng FWRI ang kanilang naitala.

Sa nasabing bilang, 411 ay nagtamo ng injury dahil sa paputok, isang firework ingestion o nakalulon ng paputok at isang biktima ng stray bullet o ligaw na bala.

Sa kabila nito, mababa pa rin naman ng 41 porsyento ang mga naitalang biktima kumpara sa pagsalubong sa 2019.

Mayorya ng mga kaso ay lalaki habang ang edad ng mga nabiktima ay mula 11 buwang sanggol hanggang 77-anyos.

Wala ring naitalang kaso ng tetanus dahil sa fireworks-related injuries.

Sa National Capital Region (NCR) at Regions VI at I naitala ang pinakamataas na FWRI cases.

Samantala, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na tumaas naman ang mga kaso ng nabiktima ng paputok sa Cagayan Valley region (138%), NCR (62%), Bicol region (56%), CALABARZON (43%), Region III (25%), at CAR.

Read more...