Mga hayop na apektado ng bushfires sa Australia hiniling ampunin ng gobyerno
Hinimok ni Davao Oriental Rep. Joel Mayo Almario ang pamahalaan na ampunin ang mga hayop na apektado ng bushfires sa Australia.
Ayon kay Almario, maaring magtayo ng panibagong wildfire sanctuary tulad ng Calauit Safari Park ang gobyerno na maaaring ilagay sa Mindano kung saan dito aalagaan at ititira ang mga hayop na aampunin buhat sa nasabing bansa.
Sinabi nito na halos isang bilyong hayop ang naapektuhan ng bushfires at halos kahalati nito ang namatay na, habang ang iba naman na natira ay hindi alam kung saan pupunta matapos na maabo ang kanilang tirahan.
Ang wildfire sanctuary anya tulad ng Calauit Safari Park ay makatutulong para mapreserba ang mga species at iba’t ibang hayop.
Iginiit pa ni Almario na kung ang Pilipinas ay nag-aalok para sa mga indibidwal na tumakas mula sa giyera , dapat ay ganito din ang gawin sa mga hayop mula sa Australia na naapektuhan ng bushfires para maiwasan ang pagkaubos ng kanilang lahi.
Ang Calauit Safari Park ay matatagpuan sa 3,400 ektaryang isla sa Busuanga Palawan na itinatag noong 1976 at nagsisilbing tirahan ng ilang local endangered species tulad ng Calamian deer, Palawan bearded pig, Philippine crocodile, Philippine porcupine, binturong, at ng Philippine mouse-deer.
Matatagpuan din dito ang may ilang animal species tulad ng giraffe , zebra, elan , waterbuck at bushbuck.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.