Halaga ng kuryente dapat bumaba na noong nakaraang Pasko ayon kay Sen. Win Gatchalian

Naging magandang regalo sana sa mga konsyumer ang pagbaba ng singil sa kuryente noong nakaraang buwan.

Ito ang sinabi ni Sen. Win Gatchalian at aniya nangyari ito kung naalis na sa electric bill ang Universal Charge for Stranded Debts o UCSD at Universal Charge for Stranded Contract Costs o UCSCC na ipinapasa sa mga power consumers.

Ngunit aniya hindi ito nangyari dahil wala pang implementing rules and regulation o IRR ang isinulong niyang Murang Kuryente Act.

Paliwanag nito, layon ng batas na maibaba ang singil ng kuryente.

Inihalimbawa ng senador na ang mga komokonsumo ng 200kwh na kuryente kada buwan ay makakatipid ng P172 kada buwan na maaring ipambili na ng hanggang apat na kilo ng bigas.

Diin ng senador, na namumuno sa Senate Committee on Energy, kung naipalabas na sana ang IRR, noon Disyembre ay bumaba na ang singil sa kuryente.

Dapat aniya noon pang Nobyembre nailabas ng Department of Energy at Department of Finance ang IRR kaya’t patuloy na nadedehado ang mga konsyumer.

Read more...