Sen. Poe, nakakakita ng pag-asa sa SC

 

Richard Reyes/Inquirer

Tila nagbigay ng pag-asa sa katayuan ni Sen. Grace Poe ang pahayag na sinambit ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno tungkol sa mga foundlings.

Naniniwala kasi si Sereno na oras na panigan ng Korte Suprema ang imposibleng rekisito para sa isang foundling para patunayan ang kaniyang katauhan, ang kalalabasan nito ay maaring pagdusahan ng mga susunod pang henerasyon ng mga foundlings.

Sa kaniyang pagtatanong kay Alexander Poblador na abogado ni Poe sa oral arguments kaugnay sa mga kaso laban sa kaniya, binigyang diin niya ang epekto sa mga foundlings sa bansa ang anumang magiging desisyon ng Mataas na Hukuman hinggil sa isyu.

Ayon kay Sereno, isang imposibleng kondisyon ang hingin sa isang foundling na hanapin ang kaniyang mga tunay na magulang para patunayan ang kaniyang pagiging mamamayang Pilipino.

Sinabi rin niya na kung papanigan ito ng korte, ito ay lalabag sa presumption sa Philippine adoption laws na nagsasabing ang isang foundling ay isang Pilipino.

Giit ng Chief Justice, dapat silang maging maingat na huwag mabalewala ang sitwasyon ng iba pang foundlings, dahil maaring magdulot ng unintended consequences ang kanilang desisyon.

Dagdag pa ni CJ Sereno, ang kaso ng mga foundlings ay nasasakop ng Republic Act No. 8552 o “An act establishing rules and policies on the domestic adoption of Filipino Children, and for other purposes.” Ayon naman kay Poblador, ang Republic Act No. 8043 o “An act establishing the rules to govern intercountry adoption of Filipino children and for other purposes,” ay nagdedetalye ng mga patakaran sa intercountry adoption ng mga foundlings sa Pilipinas.

Paliwanag pa ni Poblador, kung hindi presumed Filipino ang isang foundling, ibig sabihin, walang korte ang maaring umako ng hurisdiksyon sa kaniya.

Ani naman Sereno, bilang mga hukom, tungkulin at mandato nilang tiyakin ang pagpapa-iral ng hustisya alinsunod sa batas.

Read more...