Motorcycle rider patay matapos magulungan ng bus sa Pasig City

By Rhommel Balasbas January 08, 2020 - 04:47 AM

Dead-on-the-spot ang isang motorcycle rider matapos sumemplang at magulungan ng bus sa eastbound lane ng Ortigas Avenue, Pasig City, Martes ng gabi.

Tukoy na ng Pasig Police ang pagkakakilanlan ng rider ngunit hindi pa ito isinisiwalat dahil hindi pa naipapaalam sa pamilya nito ang nangyari.

Nalaman ang pagkakakilanlan ng rider batay sa lisensyang nakuha mula rito.

Ayon sa driver ng bus na Ricardo Erilla, mabagal at nasa 20 kph lamang ang kanilang takbo at bigla na lamang may kumalabog sa likurang bahagi ng bus.

Ayon naman sa mga nakakita sa aksidente, gumewang ang motorsiklo ng biktima habang binabagtas ang Ortigas Avenue bago sumemplang at tuluyang magulungan ng bus.

Nasa Pasig Traffic Sector Office na si Erilla at ang kanyang konduktor para isailalim sa imbestigasyon.

Nagpaalala naman ang Pasig Police sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho lalo na kapag umuulan at basa ang daanan.

Naganap kasi ang insidente ilang sandali lamang matapos umulan sa lugar kaya madulas ang kalsada.

TAGS: Motorcycle accident, Ortigas Avenue, Pasig City, Motorcycle accident, Ortigas Avenue, Pasig City

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.