Duterte hindi magpapadala ng sundalo sa Middle East

Walang plano si Pangulong Rodrigo Duterte na magpadala ng mga sundalong Filipino sa Middle East sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.

Sa ambush interview sa Malacañang Martes ng hapon, sinabi ng pangulo na magpapadala lamang ng sundalo kung ito ay kakailanganin alinsunod sa pambansang interes.

“Out of the question. Out of the question. Unless the national interest would demand it and it will be decided not by me, but me and Congress,” ayon sa pangulo.

Una nang ipinag-utos ng pangulo sa militar na ihanda ang air at naval assets nito para sa posibilidad ng repatriation o pagpapauwi sa mga Pinoy workers sa Gitnang Silangan.

Hindi naman kinumpirma ni Duterte na kakampi nga ang Pilipinas sa Estados Unidos sakaling masaktan ang mga Filipino sa Iran tulad ng sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Pero ayon sa presidente, hindi niya magugustuhan kung may masasaktang Pinoy.

Sa kabila rin ng umiiral na defense treaty, sinabi ni Duterte na hindi niya papayagang gamitin ang Pilipinas bilang launching pad ng US para sa kanilang mga sandata.

“But to use the Philippines as a launching pad to fly the missiles and the rockets, I do not think that… I have to stop,” ayon sa pangulo.

Read more...