Electoral protest vs VP Robredo, pinabubusisi muli ni Bongbong Marcos
Muling pinabubusisi ng kampo ni dating Senador Bongbong Marcos ang isinagawang preliminary appreciation sa tatlong pilot provinces na kaniyang tinukoy para sa pagsasagawa ng recount kaugnay ng electoral protest na inihain laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ay sa isinumiteng memorandum ng kampo ni Marcos bilang pagtalima sa utos ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na magkomento ang kaniyang kampo at ang kampo ni Robredo sa resulta ng recount na isinagawa sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.
Sa 595-pahinang memorandum, kinikilala rin ni Marcos ang kapangyarihan ng PET para resolbahin ang kanilang third cause of action sa electoral protest.
Ang third cause of action ay tumutukoy sa kaniyang hiling na mapawalang-bisa ang resulta ng eleksyon sa pagka-bise presidente noong 2016 sa 2,756 clustered precinct na mula sa Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur dahil sa nangyari raw doong panggigipit sa mga botante, terorismo at pre-shading ng mga balota.
Giit ng kaniyang kampo, hiwalay ang kanilang third cause of action sa second cause of action ng kanilang poll protest.
Ang second cause of action ay tumutukoy naman sa recount sa 25 lalawigan at limang highly urbanized cities.
Magkaiba raw ang basehan ng kanilang dalawang kahilingan.
Ang una raw ay nangangailangan ng revision at pagbusisi sa mga balota, habang ang isa naman ay base raw sa nangyaring terorismo at panggigipit sa mga botante na nagresulta sa illegality of ballots.
Dahil dito, hindi umano maaring maapektuhan o madeklarang moot and academic ang kanilang third cause of action nang dahil sa resulta ng preliminary appreciation sa mga balota sa tatlong pilot provinces na unang isinailalim sa recount.
Bunsod nito, maari umanong umusad nang hiwalay ang third cause of action.
Si Robredo ay nakakuha ng 477,985 votes mula sa Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur habang si Marcos naman ay 169,160.
Hiniling din ng kampo ni Marcos na atasan ng PET ang mga handwriting expert ng Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng technical examination sa lagda ng mga botante na nasa Election Day Computerized Voter’s List (EDCVL) at ipagkumpara ito sa voters’ signatures na nasa Voters Registration Records para sa bawat clustered precinct na kanilang ipinoprotesta sa Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur.
Nais din nila na magkaroon ng hiwalay na preliminary conference para sa third cause of action at umusad sa presentasyon ng ebidensya kaugnay ng diumano’y dayaan sa tatlong lalawigan sa Mindanao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.