Oral argument sa kaso ni Poe sumentro sa debate sa international law

By Den Macaranas January 26, 2016 - 08:27 PM

Supreme court1
Inquirer photo

Itutuloy sa susunod na Martes ang oral argument sa Mataas na Hukuman kaugnay sa petisyon ni Sen. Grace Poe sa pagbasura ng Comelec sa kanyang inihaing Certificate of Candidacy (COC).

Sa pagdinig kanina, sinabi ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na may ilang mga batas na sa ating bansa ang nagbibigay ng otomatikong citizenship para sa mga foundling o napulot na mga bata.

Ibinatay ni Sereno ang kanyang pahayag sa Republic Act 8552 na may titulong The Act Establishing The Rules and Policies on the Domestic Adoption of Filipino Children and for other Purposes.

Sinabi ng Chief Justice na nakasaad sa batas na kinakailangang gawin ang lahat ng mga pamamaraan ng isang nakapulot sa foundling para hanapin ang mga biological parents o mga tunay na magulang nito.

Pero kung mabigo sa paghahanap, dapat umanong ideklarang abandonado ang isang bata sa tulong ng mga ahensya ng pamahalaan.

Kapag ito’y naideklara na sa ganoong estado ay sasakupin na sila ng tinatawag na Rules on the adoption of Filipino Children kung saan ay binibigyan sila ng constitutional presumption bilang isang Filipino citizen.

Pero sa kaso ni Poe na ipinanganak noong 1968 ay sumentro ang usapan sa 1935 Constitution na siyang nakasasakop sa sinasabing birth date ng mambabatas.

Ipinaliwanag ni Senior Associate Justice Antonio Carpio na hindi pwedeng sakupin ng 1935 The Hague Convention ang kaso ni Poe.

Nakasaad sa nasabing deklarasyon na otomatikong binibigyan ng Citizenship ang isang foundling kung saang bansa ito napulot at kung bigo ang estado na hanapin ang mga tunay na magulang ng mga ito.

Ipinaliwanag ni Carpio na 1937 pa napagtibay ang The Hague Convention kaya hindi ito nai-adopt sa 1935 Constitution ng bansa na siyang nakasasaklaw sa panahon na pinaniniwalaang ipinanganak si Poe.

TAGS: comelec, foundling, poe, Supreme Court, The Hague Convention, comelec, foundling, poe, Supreme Court, The Hague Convention

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.