Ayon kay House Majority leader Martin Romualdez, hinihintay na lamang nila ang pormal na komunikasyon ng Malacañang ukol dito.
Mahalaga anya ang official communication na magmumula sa Palasyo upang mabigyan sila ng guide sa gagawing special session
Gayunman, habang hinihintay ang opisyal na komunikasyon mula sa Malakanyang ay inatasan na ni Hoiuse Speaker Alan Peter Cayetano ang House secretariat para maghanda na para sa gagawing special session.
Sa ilalim ng Section 87, Rule XI ng House Rules nakasaad na ang House Speaker matapos kumunsulta sa majority at minority leader at kanilang counterparts sa Senado ay maaring magpatawag ng special session anumang oras kahit naka-recess ang Kongreso para sa ipinagmamadaling legislative matters o concerns.
Aminado naman si Romualdez sa pahayag ng pangulo na ang tumitinding tensyon sa Middle East ay major concern na kailangan ng mabilis na pagkilos ng Kongreso para mabigyan ng kapangyarihan ang Ehekutibo para masiguro ang kaligtasan nila doon.
Nakiisa naman ang Majority leader sa mga Filipino sa panalangin para sa kaligtasan ng mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Middle East at iba pang panig ng mundo.
Tiniyak din ni Romualdez sa mga pamilya ng mga OFW dito sa bansa na makikipagtulungan ang Kongreso sa Ehekutibo para matugunan ang nais na pangulo na walang Filipino ang mapapahamak sa kaguluhan sa Gitnang Silangan.