8 taong gulang na babae, natagpuang patay sa Quezon

Natagpuang wala nang buhay ang isang walong taong gulang na bata sa Candelaria, Quezon Lunes ng hapon.

Batay sa ulat ng Candelaria police, unang napaulat na nawawala ang biktimang si Janelle Sanchez noong araw ng Linggo.

Nakita ang bangkay ng biktima sa mapunong bahagi ng Barangay Masin Sur bandang 3:30 ng hapon.

Ayon sa mga imbestigador, itinuro ng mga saksi sa krimen ang suspek na si Ricardo Bruce.

Si Bruce anila ang huling nakitang kasama ng biktima noong Linggo ng hapon.

Umamin naman sa mga imbestigador ang suspek sa kasong pagpatay sa biktima.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad para malaman kung minolestiya ang biktima bago pinatay.

Read more...