Walang cover-up sa Mamasapano probe ayon sa DILG at PNP

sarmiento
Inquirer file photo

Tiniyak nina Interior Sec. Mel Senen Sarmiento at PNP Chief Ricardo Marquez na walang nangyaring cover-up sa imbestigasyon sa Mamasapano encounter.

Ayon kay Sarmiento, nakasama siya sa mga isinagawang hearing at executive sessions sa kamara bilang isang dating Kongresista pero hindi lumutang ang tungkol sa planong pagtatakip sa brutal na pagkamatay ng tinaguriang SAF 44.

Sinabi naman ni Marquez na malabong may magtangkang pagtakpan ang naganap sa Mamasapano dahil sa kanyang pagkaka-alam ay binigyan ng kalaayan ang lahat ng personalidad na magsalita ng kanilang nalalaman tungkol sa ikinasang Oplan Exodus sa mga isinagawang executive session sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Wala pa din umanong hawak na kopya si Marquez sa sinasabing audio recording na nasa kamay ngayon ni Ret. Gen. Diosdado Valeroso na magpapatunay na may naganap na cover-up kaya mahirap umanong magbigay siya ng pahayag hinggil dito.

Gusto ng PNP Chief na marinig muna ang nilalaman ng nasabing audio recording at saka na lamang daw siya magbibigay ng komento sa isyu kasabay ng pagtiyak na walang magaganap na cover-up sa kanilang patuloy na imbestigasyon.

Read more...