Magpapalabas ng bagong direktiba ang Department of Interior and Local Government o DILG para sa road clearing sa local government agencies.
Sinabi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing na ito ay kasunod nang hindi pa rin pagtalima ng ilang lokal na pamahalaan sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang kani-kanilang mga nasasakupan sa obstructions sa mga kalsada.
Sa kasalukuyan, ayon sa opisyal, bumabalangkas na sila ng bagong panuntunan para sa road clearing, paglilinis sa mga bangketa at imbentaryo ng mga kalsada sa bawat LGUs.
Paliwanag ni Densing, kaya ipinatupad nila ang “Disiplina Muna Program” ay upang maisaayos na ang mga lugar na mahigit 30 taon nang tila walang gobyerno.
Una nang sinampahan ng kasong gross misconduct at gross neglect of duty ng DILG ang sampung alkalde sa iba’t ibang munisipalidad at lungsod dahil sa hindi pagsunod sa direktiba ng pangulo laban sa obstructions sa kalsada.