Iginiit ng health authorities sa China na hindi severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) at Middle East respiratory syndrome (MERS) o bird flu ang viral pneumonia na kumakalat ngayon sa City of Wuhan.
Sa pahayag ng Wuhan Municipal Health Commission sa kanilang website Linggo ng gabi, nilinaw na hindi SARS o MERS ang sakit tulad ng ispekulasyon sa social media.
“We have excluded several hypotheses, in particular, the fact that it is a flu, an avian flu, an adenovirus, respiratory syndrome severe acute (SARS) or Middle East Respiratory Syndrome (MERS),” ayon sa pahayag.
Walo katao na ang pinatawan ng parusa ng Wuhan police bunsod ng pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon sa internet ukol sa sakit.
Sa ngayon, sinabi ng health commission na umabot na sa 59 ang naitalang kaso ng sakit kung saan pito ang kritikal.
Umabot sa 163 katao na nagkaroon ng contact sa 59 ang isinailalim sa medical observation.
Ang mystery viral pneumonia ay nagsimulang kumalat sa pagitan ng December 12 hanggang 29 sa isang palengke sa Wuhan.