“2020: taon ng mga bagong lansangan at airports” sa WAG KANG PIKON! ni Jake Maderazo
Nagtungo ako ng Lipa, Batangas nitong weekend at ako’y namangha sa bilis ng trapiko sa Alabang viaduct Northbound. Dati-rati gapang ang biyahe sa SLEX Southwoods o maging Carmona, pero, ngayon matulin ang biyahe matapos maitayo ng San Miguel Corporation ang temporaryong solusyon, ang steel-based elevated highway patungo ng Skyway northbound. Kasabay nito ang “widening” ng magkabilang lane. Gawa na rin ang mga poste ng Skyway extension project northbound at sa kabilang southbound ay ginagawa na rin.
Sa Marso 2020 na ang pormal na pagbubukas ng SKYWAY STAGE-3 mula Balintawak, Quezon city-NLEX hanggang Buendia, Makati kung saan 15 minutes lamang ang takbo ng sasakyan dulo-dulo. Ito’y magkakaroon ng mga karagdagang entry at exit ramps sa Balintawak, Araneta ave., Quezon ave, E. Rodriguez, Nagtahan bukod sa nagagamit ngayong Plaza Dilao at Buendia.
Ngayong January 15, idaraos ang “groundbreaking” ng New Manila International Airport ng San Miguel Corporation sa Bulacan, Bulacan. Ito’y sariling gastos na P735.6B na inaasahang makakpag-operate ng isang “runway” bago matpos ang 2022 at “fully operational” na sa 2025. Ayon sa plano, magtatayo ng 22 expressways patungo sa bagong airport sa susunod na 10 taon, kabilang na dito ang isang dadaan sa ibabaw ng EDSA hanggang Cavitex. Magtatayo rin ng coastal highway mula sa Navotas patungo sa Bulacan, Bulacan na 4 kilometro lamang ang layo.
Matatapos na rin ng SMC sa 2022 ang tinatayong P69.3-B MRT-7 mula SM NORTH-San Jose Del Monte city na ngayo’y tuluy tuloy na ang konstruksyon matapos mawala ang mga “right of way issues”. Plano nilang i-extend ito hanggang Bocaue, Bulacan at deretso na sa bagong Airport. Ibig sabihin, pagdating ng 2025, ang commuter mula EDSA ay maaring makarating na sa via MRT 7 patungo sa bagong airport sa Bulacan, Bulacan.
Isa ring magandang balita para sa mga nagpupunta sa La Union-Baguio gamit ang TPLEX. Simula sa Marso, tuluy-tuloy na ang biyahe ng TPLEX hanggang Rosario, La Union dahil tapos na ang 6-kilometers Sison-Rosario section na nakakonekta sa Pozzorubio-Sison section. Dati kasi, lalabas ka pa sa Maharlika Hiway ng Sison bago bumalik ka sa TPLEX para makarating ng Rosario. Ngayong Marso, tapos na ang buong stretch ng TPLEX mula NLEX kayat mas lalong bibilis ang biyahe patungong Baguio city at Northern Luzon.
Magandang balita rin sa mga taga-Northern Luzon na papunta ng North and South Harbor. Ngayong Marso 2020, magbubukas na rin ang entry-exit ramp ng Harbor Link road na dadaan sa Road 10 o Mayor Mel Lopez blvd. Ibig sabihin nito, ang mga trucks o kotse ay hindi na bababa sa Karuhatan Valenzuela at magdudulot ng traffic sa Balintawak. Pwede na silang dumeretso sa Road 10 sa pamamagitan ng Harbor Link patungong pier o kaya’y sa Roxas blvd.
Isa ring magandang balita na sisimulan na sa 2021 ang bagong MRT-4, isang “monorail system” na manggagaling ng V. Mapa sa Sta. Mesa, Maynila patungong Taytay, Rizal. Ang P59.3-B project ay magiging operational sa 2025. Dadaan ito ng QC, San Juan, Mandaluyong, Pasig, Cainta at Taytay Rizal. Ito’y malaking bagay sa Eastern Metro Manila at sa lalawigan ng Rizal lalo na ang Taytay at Antipolo cities. Kung sino ang mananalong “bidder” sa MRT-4, malalaman iyan ngayong taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.