Korte hindi pinayagang magpiyansa ang mga akusado sa Atio Castillo hazing case
Hindi pinayagan ng korte sa Maynila ang petisyong makapagpiyansa ang 10 Aegis Juris fraternity members na itinuturong nasa likod ng pagkamatay ng University of Santo Tomas (UST) law student na si Horacio ‘Atio’ Castillo.
Sa 56-pahinang desisyon, ibinasura ni Manila Regional Trial Court Branch 20 Presiding Judge Marivic Balisi-Umali ang petition to bail ng mga akusado.
Ayon kay Umali, malakas ang ebidensya laban sa mga akusado kaya’t hindi dapat payagan ang mga ito na makapagpiyansa.
Ang mga akusado ay sina Arvin Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew, at Marcelino Bagtang.
Si Balag ang tumatayong lider ng fraternity nang maganap ang hazing incident.
Nahaharap ang 10 sa kasong paglabag sa Republic Act 8049 ang Anti-Hazing Law at posibleng makulong ng hanggang 40 taon.
Matatandaang nasawi si Castillo noong September 17, 2017 bunsod ng ‘severe blunt traumatic injuries’ na nakuha mula sa initiation rites ng Aegis Juris members.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.