2 patay, 28 sugatan sa naaksidenteng jeep sa Antipolo

By Rhommel Balasbas January 03, 2020 - 12:22 AM

Nasawi ang dalawa katao habang sugatan ang 28 iba pa matapos tumaob ang isang jeep sa Brgy. San Jose, Antipolo City, Huwebes ng hapon.

Bandang alas-4:00 tinatahak ng jeep ang Daang Pari Road nang mawalan ito ng preno ayon sa driver na si Jaime Medallada.

Sinubukan anya ni Medallada na ilaglag sa kanal ang mga gulong ngunit nabigo siya hanggang bumangga ang jeep sa mga kawayan.

Tumaob ang jeep at naipit ang mga pasahero.

Agad na isinugod sa iba’t ibang ospital ang mga biktima kung saan dalawa ang dead-on-arrival.

Giit ng driver na nagtamo rin ng mga sugat sa aksidente, hindi niya ginusto ang pangyayari.

Humingi ng tawad si Medallada sa mga pasahero at nangakong haharapin ang kailangang harapin.

Ayon kay Antipolo Police officer-in-charge Lt. Col. Alvin Concepcion, accident-prone ang lugar na pinagtaoban ng jeep dahil sa pagiging matarik nito.

Kahit ipinagbabawal, marami sa mga driver ang patuloy na dumadaan sa nasabing kalsada upang makaiwas sa trapiko at mapabilis ang biyahe.

Mahaharap si Medallada sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide and multiple physical injuries.

TAGS: Antipolo City, jeep loses control, Vehicular accident, Antipolo City, jeep loses control, Vehicular accident

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.