Publiko binalaan sa panloloko gamit ang pangalan ni Cardinal Tagle

CBCP photo

Nagbabala si Fr. Reginald Malicdem, chancellor ng Archdiocese of Manila at Rector ng Manila Cathedral ukol sa scammer na ginagamit sa panloloko ang pangalan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.

Sa pahayag ni Fr. Malicdem na inilabas Huwebes ng hapon, sinabi nitong may nag-iimbita para sa isang ‘Farewell Mass at Testimonial Dinner’ para kay Cardinal Tagle.

Gamit ng scammer ang numerong 0965-186-4581 at nanghihingi rin ng donasyon bilang regalo sa cardinal.

Ang donasyon ay ipinade-deposit sa isang Banco de Oro account na nakapangalan umano sa isang Fr. Allen Albert T. Lagura.

Pinasinungalingan ni Fr. Malicdem na may inihandang ‘Farewell Mass at Testimonial Dinner’ para kay Cardinal Tagle.

Hindi rin anya nangongolekta ng donasyon ang arkidiyosesis para kay Cardinal Tagle.

Ayon pa sa pahayag, walang miyembro ang arkidiyosesis na may pangalang Fr. Allen Albert T. Lagura at hindi rin ito nakalista sa Catholic Directory of the Philippines.

Pinayuhan ang publiko na ipagbigay-alam sa Manila Cathedral at sa chancery kung nakatanggap ng mensahe mula sa scammer.

Ang panloloko ay ginawa matapos italaga ni Pope Francis si Cardinal Tagle bilang bagong pinuno ng Congregation for the Evangelization of Peoples o Propaganda Fide.

Dahil dito, kakailanganing lisanin ni Tagle ang bansa para gampanan ang bagong tungkulin sa Vatican.

Read more...