Online seller sa Facebook na tinaguriang ‘Ninang’ idinemanda ng estafa
Isang babae na online seller sa Facebook ang nahaharap sa mga kasong panloloko at estafa dahil sa pagbenta ng isang diamond ring na kulang sa carat.
Sa kanyang complaint-affidavit na isinumite sa Paranaque Prosecutor’s Office, sinabi ni Maricar Banaag, isang negosyante, niloko siya ni Daisy Borja ng Damayan, Quezon City nang ibenta sa kanya ang isang diamond ring na sinabing 1.25 carats ang timbang ngunit lumabas na ito lamang ay 0.71 carat nang kanya itong ipasuri.
Nahaharap si Borja sa mga kasong estafa at paglabas sa Article 50 at 64(k) ng Republic Act 7364 o Consumer Protection Act of the Philippines tungkol sa pagbabawal sa mapanlinlang na paraan ng pagbebenta.
Ayon kay Banaag, si Borja ay may-ari ng iba’t ibang online business kasama na ang “Ninang Daisy’s Online Shop” at “Miracle Jewels online shoppe” sa Facebook na kanyang ginagamit upang magbenta ng mga produkto.
Noong Oktubre, si Borja ay nagsagawa ng live video sa Facebook upang ibenta ang umano’y “1.25 carat” na diamond ring.
“On the basis of Ms. Borja’s representations and promises, I made a bid for the diamond ring and won as the highest bidder,” sinabi ni Banaag sa kanyang complaint-affidavit.
Sinabi ni Banaag na nagbayad siya ng tseke na nagkakahalaga ng P405,295 kay Borja at kasama dito ang P160,000 para sa diamond ring at ang natira ay para sa iba pang alahas na binili niya. Ang tseke ay na-clear ng kanyang bangko noong Okt. 18.
Pagkakuha ni Borja ng bayad, ipinadala niya ang diamond ring kay Banaag sa pamamagitan ng kanyang driver sa bahay ng huli sa Better Living Subdivision sa Paranaque.
Ngunit laking gulat ni Banaag dahil nang kanyang ipasuri ito sa kanyang diamond setter, lumabas na ang diamond ring ay 0.71 carat lamang ang bigat, na 57% lamang ng 1.25 carat na sinabi ni Borja. Ang halaga ng 0.71 carat diamond ay P75,000 lamang, sabi ni Banaag, na wala pa sa kalahati ng kanyang ibinayad kay Borja.
Nang ipaalam niya ang problema kay Borja, sinabi ni Banaag na imbes na humingi ng paumanhin at ibalik ang kanyang bayad, ang ginawa ni Borja ay minura sya, ininsulto ang kanyang estado sa buhay at nagkalat ng maling balita sa iba pang online seller upang siraan ang kanyang pagkatao.
Ilang ulit niyang sinabi kay Borja na ibabalik na lang niya ang diamond ring upang ibalik nito ang kanyang bayad ngunit “the manner of Ms. Borja’s actuations prevented me from returning the ring to her and obtaining a refund of my payment,” dagdag ni Banaag sa kanyang affidavit.
“She blocked me on Facebook, ignored my calls and text messages, and cut-off communication with me. I was also completely dumbfounded by Ms. Borja’s use of foul language and underhanded shaming and bullying tactics when she was the one who fraudulently sold to me a diamond ring of inferior quality,” ani ni Banaag.
Dagdag pa ni Banaag, “Had it not been for Ms. Borja’s statements and representations, I would not have parted with my hard-earned money. I would never pay PhP160,000 for a diamond ring whose carat quality is only 0.71.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.