Mga labi ng Pinay OFW na nasawi sa car accident sa Singapore naiuwi na sa bansa
Naiuwi na sa Pilipinas ang mga labi ni Arlyn Nucos, isa sa dalawang overseas Filipino workers (OFW) na nasawi matapos maararo ng kotse sa Singapore.
Miyerkules ng gabi nang dumating sa Clark International Airport sa Pampanga ang mga labi ni Nucos.
Sinalubong ng pamilya ni Nucos ang kanyang mga labi.
Naghihinagpis ang kapatid nitong si Alice sa pagkawala ng kanyang kapatid na isinalarawan nitong matulungin, napakabuti at maaasahan sa lahat ng oras.
“Sila ‘yong tumtulong po sa amin kaya isang dagok po sa buhay namin… Nawalan po kami ng isang napakabuti, napakabait na kapatid na maasahan sa lahat ng oras,” ani Alice.
Isa pa sa kanilang kapatid na si Arceli ang sugatan sa insidente at nanatiling nasa ospital.
Ang magkakapatid na Nucos ay mula sa Caba, La Union.
Kinilala naman ang isa pang OFW na nasawi na si Abigail Leste.
Tiniyak ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Hans Leo Cacdac, makatatanggap ng tulong ang mga pamilya ng mga biktima.
Nagpapahinga lamang sa Lucky Plaza mall ang OFWs nang mabangga sila ng kotse.
Nakakulong na ngayon ang driver ng kotse habang iniimbestigahan ang kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.