Pag-iral ng martial law sa Mindanao natapos na
Sa pagtatapos ng taong 2019, natapos na rin ang pag-iral ng martial law sa Mindanao.
Tumagal ng dalawang taon at pitong buwan o 953 days ang martial law sa Mindanao mula nang ideklara ito ni Pangulong Rodrigo Duterte noong May 23, 2017 dahil sa pagkubkob ng ISIS-inspired Maute Terror Group sa Marawi City.
Tatlong beses itong napalawig sa pagitan ng taong 2017 hanggang 2019.
Kagabi, December 31, 2019, ganap nang natapos ang pag-iral ng martial law sa rehiyon matapos na hindi na irekomenda ng security sector kay Pangulong Duterte ang panibagong extension nito.
Ayon sa Department of National Defense (DND), nakamit na ang layunin ng martial law kaya hindi na kailangang palawigin pa ito.
Ito ay matapos na mahinto na ang rebelyon sa Marawi City at iba pang lugar sa Mindanao.
Kumpiyansa din ang mga otoridad na mapapanatili na ang kasalukuyang peace and order situation sa rehiyon.
Nagpasalamat naman si Defense Sec. Delfin Lorenzana sa kongreso sa pag-apruba sa ilang ulit na extension sa martial law.
Maging ang mga residente sa Mindanao ay pinasalamatan ni Lorenzana dahil sa pagsuporta sa kasagsagan ng pag-iral ng batas militar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.