Ito ang naging mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa TV station na ABS-CBN na nakatakdang mag-expire ang franchise sa Marso ng susunod na taon.
Sa talumpati ng pangulo sa North Cotabato, sinabi nito na hindi niya lang mabatid kung may mangyayari pa sa franchise renewal ng ABS-CBN.
“Itong ABS, mag-expire ang contract ninyo. Mag-renew kayo, ewan ko lang kung may mangyari diyan. Kung ako sa inyo ipagbili niyo na ‘yan,” ani Duterte.
Sa ngayon, nakabinbin pa ang panukala sa Kongreso para sa franchise renewal ng TV station.
Sinabi pa ng pangulo na ngayon lamang makagaganti ang sambayang Filipino sa mga kalokohan na pinaggagawa ng ABS-CBN.
Tiniyak din ng pangulo na matatandaan ng ABS-CBN ang episode na ito habang buhay.
“Kasi ang mga Pilipino ngayon lang makaganti sa inyong kalokohan. And I will make sure that you will remember this episode of our times forever,” ayon sa pangulo.
Matatandaang makailang beses nang binanatan ni Pangulong Duterte ang ABS-CBN dahil sa umano’y pang- estafa sa kanya.
Ikinagagalit ng pangulo na hindi inere ng ABS-CBN ang kanyang campaign ads noong 2016 Presidential elections kahit bayad na.