Pagtungo ni PNoy sa Zamboanga, hindi dahil sa Mamasapano operation

By Kathleen Betina Aenlle January 26, 2016 - 04:40 AM

 

aquino-0126
Inquirer file photo

Dalawang araw bago maganap ang madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao, may pinasabog na isang sasakyan ang Abu Sayyaf Group (ASG) sa Zamboanga City na ikinamatay ng dalawang tao at ikinasugat ng mahigit 50, at nakapag-pasok pa ng mga armas sa piitan ng lungsod.

Dahil dito, galit na galit si Pangulong Aquino dahil sa nangyaring pagpapasabog kaya’t gusto nitong puntahan ang mismong pinangyarihan at personal na alamin ang sitwasyon ng seguridad sa lugar.

Ayon sa isang mataas na opsiyal ng Malacañang, ito ang dahilan kung bakit nasa Zamboanga City si Pangulong Aquino noong January 25, 2015 kung kailan naganap ang Oplan Exodus na naglalayong arestuhin ang teroristang si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan sa Mamasapano, Maguindanao.

Isiniwalat ito ng nasabing source sa Inquirer matapos mag-usbungan ang mga pag-kwestyon kung bakit nasa Zamboanga City ang pangulo noong mga panahong iyon.

Ayon naman sa isa pang opisyal ng Palasyo at ilang sources mula sa militar, January 24 pa lang ay nakatakda nang lumipad ang pangulo patungong Zamboanga kinabukasan, January 25.

Isang opisyal ng militar ang nagpaliwanag ng tindi ng sitwasyon sa Zamboanga noon dahil balak ng ASG na itakas mula sa kulungan si Benzar Indama na kapatid ng Abu Sayyaf leader na si Puruji Indama at 56 na iba pang miyembro.

Matatandaang March 26 ng nakaraang taon, inamin ni Pangulong Aquino na may alam siya sa operasyong naganap noon January 25 bago pa man siya tumungo sa Zamboanga City.

Ngunit, sinabi ng Pangulo na itinuloy pa rin niya ang mga plano niya para sa araw na iyon dahil wala naman umanong “urgency” sa mga text messages na natanggap niya na mula pala sa suspended PNP Director Alan Purisima.

Umaga ng January 25, bago sumakay sa chartered plane si Pangulong Aquino kasama si Defense Sec. Voltaire Gazmin at dating Interior Sec. Mar Roxas, nagbilin ang Pangulo kay Air Force chief Lt. Gen. Jeffrey Delgado tungkol sa mga operasyon sa Maguindanao.

Ikinagulat ito ni Delgado at nang makaalis na ang eroplano, saka inalam ni Delgado ang sinasabing operasyon ng Pangulo.

Bukod sa personal na pagpunta sa pinangyarihan ng pagsabog, pakay din ni Pangulong Aquino na bisitahin ang mga biktimang nasugatan sa mga ospital, pati na ang lamay ng dalawang nasawi.

Pumunta rin si PNoy doon para kausapin si Mayor Ma. Isabelle Climaco-Salazar at nang mapag-usapan ang isinasagawang rehabilitation para sa mga biktima ng Zamboanga siege.

Kasama ng pangulo sa briefing tungkol sa Zamboanga Siege sa Edwin Andrews Air Base (EAAB) sina Defense Sec. Voltaire Gazmin, dating Interior Sec. Mar Roxas, Social Welfare Secretary Corazon Soliman, Budget Secretary Florencio Abad, National Housing Authority Chair Chito Cruz, dating AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., dating Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Rustico Guerrero, mga opisyal ng pulis at military intelligence, pati na rin si Mayor Salazar.

Naging iritable pa umano si PNoy dahil hindi maipaliwanag ng mga opisyal ng Bureau of Jail and Management and Penology (BJMP) kung paano nakapagpasok ng mga armas sa city jail ng Zamboanga.

Dismayado rin ang pangulo sa hindi nag-tugmang mga impormasyong ibinibigay sa kaniya ng national government at ng lokal na pamahalaan hinggil sa rehabilitation at reconstruction sa Zamboganga.

Pagdating ng 4:55 ng hapon, nagkaroon ng isa pang briefing sa EAAB kung saan tinalakay na nga ang nangyari sa operasyon sa Mamasapano, at sa mga oras na iyon, 35 na SAF commandos pa lang ang naire-report na nasawi.

Balak pa sanang pumunta ni Pangulong Aquino sa Maguindanao noong gabing iyon ngunit pinigilan siya ni Gazmin at ng mga piloto dahil hindi umano handa ang Awang airport para sa night landing.

Naisip rin niyang magpalipas na lamang muna ng gabi sa kampo ng Western Mindanao Command para kinabukasan ay agad na makatungo sa Maguindanao, ngunit nagdesisyon ring bumalik na lang sa Maynila.

Hindi na natuloy pa ang pangulo kinabukasan, kaya’t sina Roxas, Gazmin at dating PNP officer in charge Leonardo Espina, presidential spokesperson Edwin Lacierda at Guerrero na lamang ang pumunta sa Camp Siongco ng Army 6th Infantry Division.

Doon na nila nalaman na 44 SAF commandos, 17 miyembro ng MILF at 3 sibilyan ang nasawi sa engkwentro.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.