6 na Pinoy inararo ng kotse sa Singapore, dalawa patay
Patay ang dalawang Filipino habang sugatan ang apat na iba pa sa car accident na naganap sa Lucky Plaza mall sa Orchard Road, Singapore, Linggo ng hapon.
Kinumpirma ni Philippine Embassy in Singapore Minister and Consul General Adrian Candolada ang aksidente.
Ayon sa mga testigo, bumangga ang kotse sa isang metal railing bago bumagsak sa kalsada at araruhin ang anim na overseas Filipino workers (OFWs).
Agad na isinugod sa Tan Tock Seng Hospital ang mga biktima.
Bago pa man dalhin sa ospital ay wala nang malay ang dalawang Pinay edad 29 at 35, at tuluyang binawian ng buhay dahil sa mga tinamong sugat.
Edad 30 hanggang 43 naman ang apat pang Pinoy na sugatan na hanggang sa ngayon ay binibigyang-lunas.
Sikat ang Lucky Plaza sa mga OFW tuwing kanilang day-off ayon kay Candolada.
Kasalukuyang iniimbestigahan ang insidente at nasa kustodiya na ng pulisya ang 64-anyos na lalaking driver ng kotse.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.