Dagdag na bayad sa mga election inspectors, lusot na sa senado

 

Mula sa Inquirer.net

Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong mabigyan ng dagdag na allowance ang mga guro na magsisilbi bilang mga election officers sa May elections.

Bukod sa dagdag na kompensasyon, laman din ng panukala na gawing ‘voluntary’ para sa mga guro ang pagbibigay serbisyo sa halalan.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2178, magiging P6,000 na ang tatanggaping bayad ng isang Board of Election Inspector o BEI mula sa dating P3,000.

Sa mga BEI members, itataas na ang kabayaran mula P3,000 patungong P5,000.

Sa mga Department of Education Supervisor o official, gagawin nang P4,000 ang dati nilang tinatanggapna P3,000 samantalang ang mga support staff ay tatanggap ng P2,000 mula sa dating P1,500.

Layon din ng panukalang batas na mabigyan ng travel allowance ang mga BEI na P1,000 mula sa dating P500 noong 2013.

Ayon kay Senador Koko Pimentel, chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation at sponsor ng panukala, gagawin na ring limang araw sa halip na tatlo ang igagawad na service credit sa lahat ng mga empleyado ng gobyerno na magtatrabaho bilang miyembro ng electoral board.

Kinakailangan din aniyang maibigay ang honoraria ng lahat ng mga magtatrabaho sa eleksyon sa loob ng 15 araw.

Bukod dito, makakapili na rin ang isang guro kung nais nitong magtrabaho bilang election officer sa araw ng halalan o hindi.

Sa pamamagitan nito aniya, maisasaalang-alang ng isang guro ang kanyang kaligtasan at makakaiwas sa political pressure sa kanilang nasasakupan kung kinakailangan.

Read more...