P1.8M na halaga ng shabu nakumpiska sa isang 15-anyos na estudyante sa Cebu City

Nailigtas ng mga otoridad ang isang 15-anyos na lalaking estudyante matapos mahulihan ng malaking halaga ng ilegal na droga.

Ikinasa ang buy-bust operation sa Sitio Galili, Barangay Duljo Fatima gabi ng Huwebes, Dec. 26.

Nakuha sa pag-iingat ng menor de edad ang 275 grams ng ilegal na droga na tinatayang aabot sa P1.8 million.

Ayon kay Police Major Randy Caballes, pinuno ng City Intelligence Branch (CIB) ng Cebu City Police Office (CCPO), nasa listahan ng high-value targets ng rehiyon ang suspek.

Nagagawa nitong magbenta ng 300 hanggang 500 grams ng shabu kada linggo.

Isang linggong isinailalim sa surveillance ang binatilyo bago ikinasa ang operasyon.

Ayon kay Caballes, inaalam pa nila ang background ng suspek at ang mga impormasyon sa kung sino ang supplier nito.

Dinala muna sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek.

Read more...