3 kabilang ang isang dating aktres arestado sa buy-bust sa Pasay

Timbog ang tatlo katao kabilang ang isang dating aktres sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Eusebio St. Brgy. 42, Pasay City, Huwebes ng madaling-araw.

Ayon sa Pasay Police, target sa unang operasyon si Jennifer Kiilsgaard, mas kilala bilang si Jenny Roa, dating aktres at naging cover girl ng isang sikat na alak.

Nagpositibo ang transaksyon matapos mabilhan ng police poseur buyer si Jenny Roa ng P300 halaga ng shabu.

Arestado rin ang isang lalaki na parokyano ni Jenny na nakasabay ng poseur buyer sa pagbili ng droga.

Nakuha sa dalawa ang apat na pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P31,000.

Isa pang lalaki ang arestado sa isinagawang buy-bust operation sa loob ng isang computer shop sa lugar.

Nabilhan ang lalaki ng P500 halaga ng shabu at nakuhaan ng siyam na sachet ng droga na tinatayang nagkakahalaga ng P43,520.

Bagama’t aminado ang tatlo na kanila ang mga droga, mariing pinabulaanan ni Jenny Roa na nagtutulak siya.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Read more...