Galing ang mga katutubo sa Lucena, Quezon at lumuwas ng Quezon City para mamalimos ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay Rannie Ludovica, action officer ng Task Force Disiplina, maraming natanggap na tawag ang City hall at nangangamba sa kaligtasan ng mga Badjao.
Delikado anya ang ginagawa ng mga ito sa national road lalo’t may kasama ang mga itong mga bata at sanggol.
Sa kalsada na natutulog ang mga katutubo na kanila ring ginagawang palikuran.
Dahil dito, nagkasa ang operasyon ang Task Force at sapilitang isinakay ang mga katutubo at pansamantalang dinala sa covered court ng Brgy. Batasan Hills.
Sasailalim ang mga Badjao sa profiling at bibigyan ng makakain.
Nangako ang local government na ihahatid ang mga katutubo sa kanilang pinanggalingan sa Lucena.