Duterte muling inihayag ang kahandaang tumanggap ng Rohingya refugees

Muling iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kahandaan na tanggapin ang Rohingya refugees sa bansa.

Sa talumpati sa Cotabato City araw ng Lunes, sinabi ng pangulo na nais niyang ipagpatuloy ang tradisyon ng Pilipinas na tumatanggap ng refugees mula sa ibang bansa.

“I am prepared. I have communicated my desire na kapagka yung mga Rakhine, yung mga Rohingya sa Burma, kung gusto nila mag-migrate, tatanggapin ko sila,” ani Duterte.

“Nagtanggap man tayo noon ng mga Vietnamese ‘di ba? Panahon ng Amerikano diyan sa Palawan. Tanggapin din natin. Ang laki ng Mindanao…You plant there. Turuan natin silang mabuhay,” dagdag nito.

Noong 1975 ay libu-libong Vietnamese refugees ang tinanggap sa bansa sa pamamagitan ng Philippine Refugee Processing Center (PRPC) sa Morong, Bataan.

Sa panahon din ni dating Pangulong Manuel Quezon, nakahanap din ng pangalawang tahanan sa Pilipinas ang Jewish refugees.

Ang pahayag ni Pangulong Duterte ay matapos ang paglikas ng Rohingya Muslims mula Myanmar dahil sa umano’y military crackdown.

Noong April 2018 pa unang sinabi ng presidente na handa siyang tanggapin ang Rohingya refugees sa paniniwalang biktima ang mga ito ng genocide sa Myanmar.

Read more...