Malacañang: Pangako ni Duterte na 5 minutong biyahe mula QC hanggang Makati kalimutan muna
Dapat munang kalimutan ng mga motorista at commuters sa Metro Manila ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibababa sa limang minuto ang biyahe sa pagitan ng Quezon City at Makati City ngayong Disyembre.
Sa press briefing sa Palasyo ng Malacañang araw ng Lunes, aminado si Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi kayang tuparin ang naturang pangako sa ngayon.
Pero, iginiit ng kalihim na hindi ibig sabihin nito ay susuko ang pangulo sa kanyang pangakong maresolba ang trapiko sa Metro Manila.
“There’s only a few days left. But for December, I guess we can forget it for now. Unless you want to ride a chopper,” ani Panelo.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte noong Marso at Hunyo na ngayong Disyembre ay magiging limang minuto na lang ang biyahe mula Cubao hanggang Makati.
Pero ayon kay Panelo, ginawa ni Duterte ang pangako sa pag-asang maaabot ang ilang kondisyon.
“He said those given certain conditions. But if these were not present, well, his term is not yet over anyway,” giit ng kalihim.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.