Publiko, binalaan vs alak na hindi rehistrado ng FDA

Binalaan ng Food ang Drug Administration (FDA) ang publiko ukol sa pagbili at pag-inom ng iba’t ibang uri ng alak na hindi dumaan sa safety evaluation ng ahensya.

Ito ay matapos umabot sa 11 ang nasawi matapos malason sa lambanog sa Laguna.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ng FDA na patuloy pa ang ikinakasang imbestigasyon katuwang ang Department of Health-Epidemiology Bureau sa pamamagitan ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit at local government units.

Magsasagawa rin ang FDA ng laboratory test para makumpirma kung mataas ang lebel ng “methanol” sa lambanog.

Sinabi ng ahensya na maaari itong magdulot sa sinumang makainom nito ng pagkabulag, permanent neurologic dysfunction o kaya ay pagkasawi.

Kasabay nito, nagbabala rin ang FDA sa mga tindahan laban sa pagbebenta ng hindi rehistradong produkto na paglabag ito sa FDA Act of 2009 at Food Safety Act of 2013.

Hinikayat din ng ahensya ang lahat ng LGU at law enforcement agency na tiyaking hindi nabebenta sa merkado ang mga hindi rehistradong alak.

Inilabas din ng FDA ang listahan ng 14 na mga produktong lambanog na aprubado ng ahensya.

Read more...