May-ari ng isang tindahan ng lambanog sa Candelaria, Quezon hawak ng mga otoridad
Hawak na ng mga pulis sa Candelaria, Quezon ang may-ari ng tindahan ng lambanog na pinagbilihan umano ng mga nalason sa naturang bayan.
Nakilala itong si Nocanor Buela Delos Reyes, 54 anyos ang may-ari ng “REY LAMBANOG” sa Candelaria.
Pito ang sinasabing nalason sa lambanog sa Candelaria, isa dito ay nasawi, dalawa ang comatose pa sa ospital at apat ang nakauwi na sa kanilang mga bahay.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Brig. Gen. Vicente Danao, direktor ng CALABARZON regional police office na nakikipag-cooperate naman sa mga otoridad si Delos Reyes.
Hindi pa rin tiyak kung talagang ang lambanog na mula sa kaniyang tindahan ang nakalason sa mga biktima.
Pero kumuha na ng sample mula sa ibinebentang lambanog sa tindahan ni Delos Reyes at ipapasuri ito sa Food and Drug Administration. .
Sa imbestigasyon, alas 11:00 ng gabi ng Linggo (Dec. 22) nang tumawag ang kapitan ng barangay sa Barangay Sta. Catalina Sur sa himpilan ng pulisya para ipagbigay-alam ang pagkakalason ng mga biktima.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng Candelaria police, alas 6:00 ng gabi ng Sabado nang magsimulang uminom ng lambanog ang mga biktma. Madaling araw ng Linggo ng mawalan ng malay ang biktimang si Ernesto Caraan kaya agad itong dinala sa Peter Paul Hospital.
Pumanaw si Caraan sa ospital dahil sa Acute Respiratory Syndrome.
Ang iba pang biktima na sina Fernando Balmes Aguilar at Christian Aguilar ay kapwa comatose.
Nakauwi naman na matapos maka-recover sina David Tamagos, Armando Aguilar, Nelson Aguilar, at Marife Aguilar.
Natuklasan namang walang business permit mula sa Candelaria Municipal Office ang tindahan na ‘Rey Lambanog’.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.