1 patay, 118 isinugod sa ospital dahil sa ‘food poisoning’ sa Cotabato
Patay ang isang 53 anyos na babae habang 118 pa ang isinugod sa ospital dahil sa umano’y food poisoning sa Arakan, Cotabato nitong Biyernes.
Ayon kay Cotabato province Governor Nancy Catamco, namatay sa dehydration ang babae dahil sa pagtangging madala sa pagamutan.
Paliwanag ng gobernador, ilan sa mga miyembro ng isang women’s association ng Brgy. Salasang ang nag-uwi sa kani-kanilang pamilya ng mga natirang pagkain mula sa Christmas party.
Pero ilang sandali matapos kainin ang mga pagkain, biglang sumakit ang tiyan ng mga biktima, nagtae at nagsuka na pawang mga sintomas ng food poisoning.
Isinugod sa Arakan Valley District Hospital sa bayan ng Antipas ang mga biktima.
Ayon kay Catamco, matapos ang mga pagsusuri, anim na pasyente ang nagpositibo sa amoeba.
Sa 118 pasyente, 88 ay inilipat sa Cotabato Provincial Hospital sa Kidapawan City.
Inaasahan pa umanong tataas ang bilang ng mga umano’y biktima ng food poisoning dahil marami pang residente ang nakararanas ng sintomas nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.