Robredo susubukang ilabas ang kanyang drug war report bago matapos ang Disyembre
Susubukan ni Vice President Leni Robredo na ilabas ang kanyang ulat tungkol sa giyera kontra droga bago matapos ang taon.
Una nang plinano nang bise presidente na ilabas ang kanyang ulat noong December 16 ngunit ipinagpaliban ito para bigyang-prayoridad ang relief operations sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.
Sa kanyang radio program na “BISErbisyong LENI,” araw ng Linggo, sinabi ni Robredo na susubukang ilabas ang report ngayong Disyembre.
Pero kung hindi kakayanin ay ilalabas ito agad sa pagsisimula ng Enero.
“Kung kaya siguro ngayong December pa rin, gagawin natin ng December. Pero kapag hindi talaga, kapag hindi natapos iyong sakuna, baka early January, after the New Year,” ani Robredo.
“Karamihan gusto nang ituloy (noong December 16) para matapos na. Pero parang kasi wala kaming empathy niyan sa mga biktima, na sa panahon na kailangan sila iyong ating tutukan, ito naman nagde-deliver tayo ng Ulat ng Bayan na puwede naman gawin sa isang later time,” paliwanag ng opisyal.
Muling sinabi ng presidente na wala dapat ikabahala ang Malacañang ukol sa kanyang ulat dahil mga rekomendasyon ang laman nito para sa ikabubuti ng drug war.
Ang ulat ni Robredo ay nag-ugat sa kanyang maikling pamumuno bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.