SAF 44, ipinain sa mga kalaban – Duterte

SAF/JAN.29,2015 Pictures of the slain PNP SAF killed in an alleged "misencounter" with MILF and BIFF in Mamasapano,Maguindanao displayed outside the gates of  Camp Bagong Diwa, Taguig. INQUIRER PHOTO/RAFFY LERMA
INQUIRER FILE PHOTO/RAFFY LERMA

Hindi handa ang Philippine National Police – Special Action Force (SAF) commandos nang sumabak sila sa engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao isang taon na ang nakalilipas.

Ito ay ayon kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte na sinabi pang tila ipinain sa mga kalaban ang mga tropa ng SAF na nag-resulta nga ng pagka-sawi ng 44 sa kanila sa Operation Exodus na nagla-layong maaresto ang Malaysian terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.

Ipinagtataka niya aniya kung bakit ipinadala doon ang SAF 44, gayong sila ay sinanay para sa urban terrorism at hindi kabisado ang pasikot-sikot sa lugar na kanilang pinuntahan.

Ani Duterte, may alam siya tungkol sa mga hakbang na ginawa ng pamahalaan noong kasagsagan ng Mamasapano incident dahil kasama niya si Pangulong Aquino sa Edwin Andrews Air Base (EAAB) noong araw na iyon.

Nasa Zamboanga City siya noong panahon na iyon para alamin ang tungkol sa mga naganap na pambo-bomba sa lugar at nang malaman aniya ni dating Interior Sec. Mar Roxas na naroon siya, inimbitahan siya nitong sumama sa pulong kasama si Pangulong Aquino sa EAAB.

Isiniwalat rin ni Duterte na napag-alaman niyang may mga tropang Amerikano ang naroon sa Mamasapano at isang helicopter ang naka-standby na para kunin ang daliri ni Marwan na pinutol ng mga commandos matapos nila itong mapatay.

Sa ngayon aniya, mananatiling tikom ang bibig niya tungkol sa mga narinig at nalaman niyang impormasyon sa pagpupulong, ngunit kung magpapatuloy lang aniya ang paglabas ng mga kasinungalingan, mapipilitan siyang ilabas ang nalalaman niya.

Sakali aniyang ipatawag siya sa Senate inquiry, wala siyang ibang magagawa kundi sabihin ang totoo, hindi lang dahil ito ay isang moral obligation, kundi dahil manunumpa siya bago niya ito gawin, at wala rin lang kahihinatnan kung magsi-sinungaling pa siya.

Tulad aniya ng iba, nais rin niyang lumabas ang katotohanan sa nangyari sa Mamasapano, Maguindanao.

Read more...