Hindi bababa sa walo ang namatay habang nasa 200 pa ang dinala sa mga ospital matapos malason sa ininom na lambanog sa Laguna at Quezon, Linggo ng hapon.
Ayon sa pinakahuling update ni Rizal, Laguna Mayor Vener Muñoz, 161 ang pasyenteng dinala sa Philippine General Hospital (PGH).
Pito umano ang kritikal, 18 ang unstable ang condition habang ang 40 na stable na ang kalagayan ay nakatakdang ilipat sa Rizal Medical Center sa Pasig.
Mayroon din anyang nakatakda ring ilipat sa East Avenue Medical Center sa Quezon City dahil hindi kayang i-accommodate lahat ng PGH.
Ang mga nasawi ay mula sa bayan ng Rizal habang ang isa ay taga-Nagcarlan.
Galing ang mga biktima sa iba’t ibang Christmas Party pero iisang brand ng lambanog ang kanilang nabili na galing sa Rizal.
Sa bayan ng Candelaria sa Quezon, may isa pang lalaking nasawi dahil sa pag-inom ng lambanog habang anim pa ang naospital kung saan dalawa ay comatose.
Ipinag-utos na ni Muñoz ang state of emergency para magamit ang pondo upang matulungan ang mga biktima.
Kumuha na ng sample ng lambanog ang pulisya at Municipal Disaster Risk Reduction and Management officials at ipasusuri ito sa Food and Drug Administration.
Samantala, ipinahinto na ni Laguna Governor Ramil Hernandez ang bentahan ng lambanog sa buong lalawigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.