“Monopolyo ng Grab at Angkas, dapat lang mawala!” sa WAG KANG PIKON! ni Jake Maderazo
Umiinit ngayon ang mga balita sa desisyon ng LTFRB na gawing tatlo ang bumibiyaheng “motorcycle taxis” mula sa dating nagsosolong ANGKAS, at dinagdag ang JOYRIDE at MOVEIT. Matatapos sa Huwebes , December 26, ang anim na buwang eksperimento at magkakaroon ng extension hanggang Marso 23, 2020.
Ayon sa LTFRB, papayagan ang ANGKAS, JOYRIDE at MOVEIT na magkaroon ng tig-10,000 riders sa Metro Manila at tig-3,000 sa Cebu. Tinaasan din ng LTFRB ang engine displacements ng mga motorsiklo mula sa dating 100cc sa bagong 150cc.
Dahil dito, umalma ngayon ang ANGKAS dahil 27,000 ang kanilang miyembro, ibig sabihin, 17,000 ang ititiwalag sa organisasyon. Merong mga report na magkikilos protesta ang mga miyembro upang batikusin ang desisyon ng gobyerno. Pero, ayon sa LTFRB, ang mawawala sa ANGKAS ay maaring lumipat sa dalawang bagong kumpanya. Ginawa ito upang mawala ang “monopolyo” ng ANGKAS at maging “competitive” ang “motorcycle ride hailing industry”.
Meron ding mga kritisismo sa umano’y biglaang pagpapalit ng mga ‘commuter welfare groups’ sa ‘technical working group’ matapos ang pagtalaga ng panibagong chairman na si P/Major gen. Antonio Gardiola Jr.
Sa ngayon, wala pang umiiral na batas sa operasyon ng mga “motorcycle taxis”. Hindi sila tinuturing na “public Utility vehicles” (PUV) kung saan may requirement na Passenger personal Accident Insurance program (PPA) na hanggang P400,000. Dahil hindi PUV, hindi sila mapupuwersang magbayad ng “insurance” ng maaksidenteng pasahero. Pero, sinasabi ng Angkas na sa ngayon, ‘insured’ ang kanilang mga pasahero ng hanggang P200,000.
Ang Angkas ay hindi kinikilala ng LTFRB bilang Transport Network Company (TNC). Ang nangyayari ngayon ay ang “motorcycle-taxi pilot implementation’ sa nakaraang anim na buwan at ngayo’y extended ng tatlong buwan sa Marso. Ito’y upang bigyang pagkakataon ang gobyerno at ang mambabatas upang magkaroon ng bagong batas na mamamahala sa ganitong ANGKAS, JOYRIDE , MOVE IT at lahat ng habal-habal sa buong bansa.
Kung susuriin, tama lamang buwagin ng gobyerno ang mga monopolyo sa public transportation. Nagtataka nga ako kung bakit napakabagal nilang kumilos lalo na sa “GRAB” na tumatabo ng husto at tumataga sa “surge pricing” sa mga pasahero. Ang dapat, isabay nila ang GRAB, sa simbilis nilang desisyon sa mga motorcycle taxi.
Kung kumpetisyon ang layunin ng LTFB, dapat ay magkaroon ng malalakas na kalaban itong GRAB. Sa ngayon, meron nang walo , tulad ng HYPE, HIMA, OWTO, MICAB,GO LAG, EPICKMEUP,SNAPPY CAB at RYD, pero dominante pa rin ang GRAB na ngayo’y labis labis ang “surge pricing”.
Ayon sa GRAB, araw araw tumatanggap sila ng 700K hanggang 800K na booking requests, pero, 36,000 lamang ang kanilang drivers. Batay sa regulasyon ng LTFRB, pinapayagan sila ng 2x surge cap sa mga rush hour o base sa “traffic fllow”. Kamakailan, pinagmulta ng Philippine Competition Commission (PCC) ang GRAB ng P23.45M dahil sa paglabag sa pasahe at inatasang mag-refund ng P5M sa mga pasahero dahil sa surge pricing. Sinabi rin ng PCC na “99-percent monopoly” ang GRAB.
Ito’y senyales na panahon nang protektahan ng LTFRB ang tunay na interes ng “commuting public. Hindi lamang sa pasahe kundi maging sa kaligtasan at ‘insurance” sa mga aksidente. Panahon na para magpakita ng tapang si LTFRB Chairman MARTIN DELGRA jr at board nito na wakasan na ang “monopoly” ng GRAB pati na ang ANGKAS!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.